Para Sa’yo

Gusto kong sumulat ng tula para sa’yo. ‘Yung tula tungkol sa pagsisimula. Kung paanong ang pinakakorning linyang “Hi girl, I’m boy” ay magmimitsa ng isang kakaibang samahan.  Gusto kong sumulat ng tula tungkol sa atin. Sa simplistikong simula ng pagkakaibigan natin.

Gusto kong sumulat ng tula para sa’yo. Para sa ating dalawa. ‘Yung tula na sasalamin sa kung anong nangyari at nangyayari sa atin. ‘Yung tula na walang simbolismo. Madaling intindihin. Hindi komplikado. ‘Yung tulang hindi magtatanong kung ano ang nangyari o kaya ay manghihingi ng paglilinaw sa mga nangyari na.

Hawak ko na ang bolpen ngayon. Gusto kong sumulat ng tula. Para sa’yo. At para na rin sa akin. Siguro. ‘Yung tulang hindi malungkot. ‘Yung tulang wala ang mga salitang “nasasaktan”, “umaasa”, “iniiwan”. ‘Yung tulang sana’y magpapahinto sa namumuong luha sa mata. Susubukan ko. Pero alam mo, hindi ko yata kayang sumulat ng ganoong tula.

Sinusubukan kong sumulat ng tula ngayon. Para sa’yo. Sa ating dalawa. Isang tula tungkol sa nararamdaman ko sa tuwing di mo ibinabalik ang mga libro ko. Isang tula na sana’y maglalarawan sa itsura ni Jollibee ‘pag nawala ang antenna nya. Isang tula tungkol sa mga karanasan nating dalawa. Pero naisip kong hindi pala ako marunong sumulat ng tula. Hindi ito isang tula. Pero lahat ito, tungkol sa’yo. Sa akin. Sa ating dalawa. At sa pagtatapos ng samahang tinatawag mong pagkakaibigan…

Notes